PNP sa grupong manibela
MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa grupong Manibela na huwag i-harass ang mga public utility jeepney (PUJ) operators at drivers na hindi sasali sa kanilang tigil-pasada.
Ayon kay Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP malaya umano ang transport group na Manibela na iere ang kanilang mga hinaing pero huwag namang i-harass ang hindi makikiisa sa kanilang pagkilos.
“Huwag naman sana nilang pilitin ‘yung ating mga kababayan na driver na gusto naman pumasada para pagsilbihan ‘yung ating mga kababayan,” dagdag pa nito.
Sa kabila umano nang ipapatupad na maximum tolerance, hindi naman sila mangingiming ipatupad ang batas sakaling magsimula ng kaguluhan ang naturang transport group.
“Kapagka kayo ay nag-violate ng mga batas ay maintindihan niyo rin na kailangan i-maintain ng PNP ang peace and order and we have to enforce the law,” pahayag pa ni Fajardo.
Ikinasa ng Manibela ang tigil-pasada bilang protesta sa jeepney modernization program at ang pagpapalawig ng kanilang prankisa.
Nakahanda rin ang PNP na imobilisa ang kanilang mga sasakyan para magbigay ng libreng sakay sa maapektuhang commuters.
Ikalalat din ang kanilang mga tauhan para magpanatili sa peace and order sa mga lansangan.