Nagpakilalang ISAFP na nakasagupa ng pulis, sumuko na

Sinabi ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Ro­derick Mariano na nag­tungo sa istasyon ng pulisya si Angelito Rencio kamakalawa ng gabi.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Boluntaryong sumuko sa Makati City Police ang lalaki na nakita sa viral video na nakasagupa ng isang pulis sa may Osmeña Highway sa Makati City, kamakailan.

Sinabi ni Southern Police District (SPD) Director PBGen. Ro­derick Mariano na nag­tungo sa istasyon ng pulisya si Angelito Rencio kamakalawa ng gabi.

Matatandaan na nag-viral ang isang vi­deo ng dalawang lalaki na nagpapambuno sa may Osmeña Highway sa Brgy. Pio del Pilar nitong Agosto 25. Nakilala ang lalaki na nakakubabaw kay Rencio na si PSSg. Marsan Dolipas.

Sinabi ni Dolipas na nasagi umano ng motorsiklo ni Rencio ang kaniyang sasakyan ngunit sa halip humingi ng dispensa ay nag-dirty finger pa ito.  Nang kaniyang kumprontahin, nakita niya na may baril si Rencio na nagawa niyang agawin at saka nagkaroon sila ng komosyon na siyang eksena na nakunan ng video.

Sa loob ng istasyon ng pulisya, nagpakilala umano si Rencio na da­ting intelligence agent ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), na itinanggi naman ng Philippine Army.

“Upon awareness of the complaints filed against him, Rencio voluntarily surrendered himself to the SPD. He sought to shed light on the complaint filed against him and to ensure his safety. Rencio is currently under the custody of the Makati City Police Station,” ayon kay Mariano.

Sinabi pa ng heneral na sa kanilang berepikasyon, nahaharap uma­no si Rencio sa mga kasong qualified theft, usurpation of authority, at iba pang kaso. Bineberipika ng pulisya kung nakapaghain na siya ng mga piyansa sa mga kasong ito.

Show comments