MANILA, Philippines — Isusulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang road sharing sa pagitan ng mga motorsiklo at bisikleta sa bicycle lane sa EDSA.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes na nagsasagawa na sila ng paunang pag-aaral na nakatutok sa posibilidad na gawing ‘shared lane’ ito para sa motorsiklo at bisikleta.
“Ang EDSA bicycle lane ay underutilized. Kaya nagsasagawa ang MMDA ng preliminary study na magtatapos ngayong linggo,” saad ni Artes.
Magkakaroon ng stakeholders meeting sa Agosto 29 na dadaluhan ng mga grupo ng mga siklista at motorcycle riders para pag-usapan ang panukala.
Inamin ni Artes ang mga hamon sa EDSA tulad ng malaking bilang ng mga motorsiklo. Sa datos ng kanilang MMDA Traffic Engineering Center, nitong Hulyo 17, nasa 165,000 motorcycle units ang tinatayang dumaraan sa EDSA kada araw.
Matapos ang konsultasyon, ilalapit ito ng MMDA sa DOTr na siyang may pinal na desisyon dahil sa proyekto nila ang bicycle lane.
“For now, we will only remind the motorcycle riders not to use the EDSA bicycle lane,” saad pa ni Artes.
Kahapon dakong alas-12 ng tanghali, nasa 99 na motorsiklo, 5 kotse, 1 SUV, 2 closed van at 15 na jeep na ang nasita ng MMDA dahil sa pagdaan sa bicycle lane.