MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang tulak ng droga ang dinakip ng mga tauhan ng Malabon City Police matapos makumpiskahan ng may P.2-milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa nasabing lungsod, kamakalawa.
Kinilala ni Malabon City police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang mga suspek na sina Gibson De Paz, 30, ng Bldg 7 Room 116, Sampaguita Street, Brgy. Tanza 2, Navotas City; Mark Vincent Morato, 19 ng Lot 39, Block 12A, Hiwas Street, Brgy. Longos at Rowena Dela Cruz alyas “Lovely”, 35 ng M. Blas Street, Brgy. Hulong Duhat.
Sa ulat ni Tangonan kay Northern Police District (NPD) acting director PBrig. Gen. Rizalito Gapas, dakong alas-10:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust laban kay De Paz matapos na makatanggap na impormasyon na nagbebenta ang nasabing suspek ng shabu.
Nang tanggapin ng suspek ang P500 marked money mula sa isang pulis na poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama sina Morato at Dela Cruz.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigit kumulang 26.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P182,240, ang buy-bust money na ginamit sa operasyon at coin purse.
Kakasuhan ang mga suspek sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.