MANILA, Philippines — Darating ang may limang libong kopya ng drivers license cards bago ang gagawing State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 24.
Sa media briefing, sinabi ni LTO Officer-in -Charge Hector Villacorta, inaasahan niya ang Banner Plasticard Inc. ay magpo-produce ng may 15,000 hanggang 30,000 card araw -araw sa loob ng 10 araw na bahagi ng pangako ng kompanya na mai-deliver ang isang milyong cards sa susunod na 60 araw.
Niliwanag ni Villacorta na ang unang batch ng license cards ay ibibigay sa mga Overseas Filipino Workers at mga bagong driver’s license applicants.
“Actually ang nauuna is OFWs and Student Driver’s Permit that mature into Non-pro or Professional license. I’ve seen the factory here in Pasig and they showed me that they can do 15,000 to 30,000 copies everyday,”sabi pa ni Villacorta.
Sinabi pa nito na maaari nang ma-access ng mga driver’s license holders ang kanilang electronic copies ng lisensiya via LTMS Portal.
Niliwanag din ni Villacorta na magpapalabas din siya ng kautusan sa lahat ng enforcers na maaaring kilalanin ang e-license na hawak ng ilang mga driver na nakakuha ng lisensiya sa panahong wala pang available plastic drivers license cards sa LTO.