Sekyu na naghagis ng tuta posibleng mawalan ng lisensya - PNP-SOSIA

MANILA, Philippines — Posibleng matanggalan din ng lisensiya ang security guard ng isang mall na naghagis sa isang tuta mula sa footbridge na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Ayon sa Philippine National Police-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) nakikipag-ugnayan na sila sa RJC Corporate Security Services, Inc. upang papanagutin ang security guard na si Jojo Malicdem na naghagis ng tuta ka­makalawa.

Sa isang memorandum, sinabi ni SOSIA Chief Police BGen. Leumar Abugan, inaalam na ng kanilang Enforcement Management Division ang administratibong pananagutan ni Malicdem at ng nasabing security agency.

Sakaling mapatunayan na may paglabag sa polisiya ng SOSIA ay maaring masuspinde o mabawian ito ng lisensya.

Giit ni Abugan, kinokondena nila ang animal cruelty o pang-aabuso sa mga hayop at wala itong lugar sa sibilisadong lipunan.

Nabatid na head trauma due to shock ang ikinasawi ng tuta dahil sa taas ng pinagbagsakan nito mula sa footbridge.

Sa ngayon, inalis na ng mall sa trabaho ang guwardya matapos ang naturang insidente.

Show comments