MANILA, Philippines — Inaasahan ng Department of Transportation (DOTr) na maidedeliber na sa loob ng 60-araw o dalawang buwan, ang mga plastic cards para sa mga bagong driver’s license sa mga motorista.
Ito’y matapos na i-award ng DOTr ang naturang proyekto sa Banner Plastic Card Inc., na siyang contractor sa likod ng Visa debit cards ng LandBank, noong nakaraang linggo.
Mismong si Transport Secretary Jaime Bautista ang nagkumpirma na pumirma na ang DOTr ng proyekto sa Banner.
Gayunman, wala pa umanong natatanggap na notice ang kompanya bago nito ituloy ang delivery ng nasa kalahating milyong driver’s license sa katapusan ng Hulyo o unang linggo ng Agosto.
Nakapasa naman umano ang Banner sa isinagawang pre-test at nagsagawa ng proof of concept noong Hunyo 16, kung saan ang halos lahat ng cards nito ay tinanggap ng sistema ng Dermalog, ang IT provider ng Land Transportation Office (LTO).
Nabatid na naging kontrobersiyal naman ang bidding dahil mas mataas ang bid ng Banner na nasa P219 milyon, kasama na ang mga taxes sa pagbili ng license cards, kumpara sa kakumpetensiya nitong AllCard, na ang bid ay nasa P177 milyon lamang, kasama ang buwis.
Pareho namang mas mababa ang bids ng mga naturang kumpanya sa itinakdang presyo ng pamahalaan na nasa P250 milyon para sa paggawa ng may 3.2 milyong piraso ng driver’s license.
Gayunman, lumitaw sa post-qualification evaluation na ang AllCard ay diskuwalipikado sa bidding dahil sa pagkaantala ng proyekto nito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaya’t napunta ang proyekto sa Banner.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa 690,000 na ang backlog ng LTO sa driver’s license.
Una naman nang pinalawig ng LTO ang validity ng mga lisensiya na napaso noong Abril 24, hanggang sa Oktubre 21.