3 gang leader sa Bilibid, hinatulan sa pagpaslang kay Percy Lapid
MANILA, Philippines — Hinatulan ng Las Piñas Regional Trial Court (RTC) ng dalawa hanggang walong taong pagkabilanggo ang tatlong gang leader sa New Bilibid Prison (NBP) kaugnay sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ito’y matapos na maghain ng ‘guilty plea’ bilang mga accessories sa naturang krimen.
Si Las Piñas City RTC Judge Harold Hulinganga ang nagbaba ng hatol laban kina
Aldrin Galicia (Sputnik Gang Commander), Alvin Labra (BCJ Gang Commander), at Alfie Peñaredona (Happy Go Lucky Gang Commander).
Sa ilalim ng Article 19 ng Revised Penal Code, ang mga accessory ay ang mga hindi aktuwal na nagpartisipa sa krimen ngunit may kinalaman dito at tumulong na maisakatuparan ito.
Sa rekord, si Galicia at Labra ang lumapit kay Jun Villamor, para maghanap ng kontak na gun-for-hire na papaslang kay Lapid.
Nagawa ni Villamor na makontak si Christopher Bacoto na nakaditine sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na siya namang may kontak sa gunman na si Joel Escorial.
Nag-plead naman ng not guilty si Bacoto kaya tuloy ang paglilitis sa kaniya.
Samantala, humingi naman ng mas mababang hatol si Escorial kung magpi-plead rin siya na guilty. Pinagpaliban ang kaniyang arraignment dahil sa wala siyang abogado.
Itinakda ang susunod na pagdinig sa Agosto.
- Latest