MANILA, Philippines — Umabot sa P2.1 milyong halaga ng Ketamine ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Clark habang nadakip ang claimant nito sa ikinasang follow-up operation sa Pasig City, kamakailan.
Sa ulat, unang nasabat ang ilegal na droga sa Port of Clark nang magpakita ng positibong indikasyon ang K-9 unit sa isang parcel na idineklarang mga tsokolate.
Isinailalim sa X-ray at physical examination ang parcel at nadiskubre ang puting pulbos na kemikal na itinago sa glass container ng scented candle.
Nang isailalim sa chemical laboratory analysis ng PDEA, nagpositibo ang substance na Ketamine na ipinagbabawal sa ilalim ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dito nagkasa ang mga elemento ng Port of Clak at PDEA ng ‘controlled delivery’ sa importer sa address nito sa Pasig City nitong Mayo 18 na nagresulta sa pagkakadakip sa 23-anyos na lalaki.
Isa pang suspek ang pinaghahanap sa ngayon.