MANILA, Philippines — Ibinaba ng Land Transportation Office (LTO) sa ?300 ang maximum na halaga ng medical examination na sisingilin ng mga accredited na medical clinic o health facility para sa aplikasyon ng student permit at driver’s license.
Ito ang nakasaad sa nilagdaang Memorandum Circular ng nagbitiw na LTO Chief Jay Art Tugade bilang tugon sa mga hinaing kaugnay ng mataas na halaga ng medical examination na isa sa mga pangunahing requirement sa pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.
“Hindi po natin maisasantabi ang maraming reklamo kaugnay ng sobrang mahal ng pagkuha ng medical certificate na ang iba ay nagbabayad ng ?500 hanggang ?700. Mabigat na ang halaga na ito para sa ating mga ordinaryong mamamayan,” sabi ni Tugade.
Ayon kay Tugade , ang magiging maximum prescribed rate ng medical examination fee na sisingilin sa mga driver-applicant ay ?300 kada transaksyon. Maaari rin aniya na maningil nang mas mababa sa ?300.
Sakop ng bagong polisiya ang lahat ng LTO accredited medical clinics at health facilities kung saan ay accredited din na doktor ang nagsasagawa ng medical, physical, optical at iba pang pagsusulit para sa aplikasyon ng student driver’s permit, bagong non-professional driver’s license at bagong conductor’s license, gayundin sa renewal at upgrading ng lisensya mula sa non-professional tungo sa professional.
Para sa unang paglabag, maaaring maharap sa parusang suspensyon ng akreditasyon sa loob ng 90 araw at multang ?10,000 ang medical clinics at health facilities na hindi susunod sa bagong polisiya.
Tatagal naman ng 180-araw na suspensyon at multang ?15,000 ang parusa sa lalabag sa ikalawang pagkakataon at pagbawi na ng akreditasyon bukod pa sa perpetual o habambuhay na diskuwalipikasyon bilang accredited medical clinic o health facility para sa ikatlong beses na lalabag.