MANILA, Philippines — Aprub na ang isang resolusyon ng Sangguniang Panglungsod ng Muntinlupa para labanan ang breast cancer sa pamamagitan ng libreng mga early detection tests sa mga residente.
Nakasaad sa Resolution 2023-238 na inaprubahan kamakailan na nagpapahintulot kay Mayor Ruffy Biazon na pumasok sa isang memorandum of agreement (MOA) sa Medical Center Muntinlupa, Inc., upang magbigay ng libreng breast ultrasound at pati na rin ang mammography tests upang makatulong sa maagang pagtuklas ng cancer sa suso sa mga Muntinlupeño.
“We definitely welcome this development as this enables the City Government to address the problem of breast cancer head-on,” ani Biazon. “By early detection, we hope to save many families from the heartbreak of losing mothers and women family members to an otherwise preventable disease,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng MOA, ang pamahalaang lungsod ang sasagot sa gastos sa mga pagsusuri ng mga pasyente at target na benepisyaryo na tinukoy ng Kalingang Munti Action Center (KMAC) at bineberipika ng Gender and Development (GAD) Office sa pamamagitan ng kani-kanilang proseso.
Ayon sa International Agency for Research on Cancer (IARC), aabot sa 1 sa 13 Pilipina ang mas malamang na magkaroon ng breast cancer sa kanilang buhay, na ginagawang mas mataas ang panganib sa kanila. Katulad nito, ang Global Cancer Report, na nag-survey sa 15 bansa sa Asya, ay nagpakita na ang Pilipinas ang may pinakamataas na breast cancer mortality rate sa counterparts nito.
Sa mga naging pag-aaral at rekomendasyon ng mga eksperto, posibleng mas mataas ang survival rates kung maagang matutukoy ang sakit sa pamamagitan ng ultrasound at mammography subalit lubhang napakamahal ng mga procedures na ito para sa low-income countries.