LTO nagpaalala sa motorista
MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista sa pagpapatupad na sa single-ticketing system sa Metro Manila.
Sa sistemang ito, pitong lokal na pamahalaan ang kasama sa inisyal na rollout sa May 2, 2023, kabilang ang San Juan City, Quezon City, Parañaque, Manila, Muntinlupa, Valenzuela, at Caloocan.
Ayon kay LTO Chief Jay Art Tugade, handa na ang mga nabanggit na LGU sa pagpapatupad ng unified ticketing system kung saan magkakaroon sila ng koneksyon sa data base ng LTO.
Isa sa ipinunto ni Tugade ang pagkakaroon din ng demerit system sa ilalim ng bagong polisiya kung saan ang mga lalabag sa batas-trapiko ay may kaakibat na demerit points.
Oras na umabot ito sa 10 demerit points ay oobligahin na ang driver na sumailalim sa re-orientation course at maaari pang humantong sa pagpapawalang bisa ng lisensya kung umabot sa 40 ang demerit points.
Niliwanag naman ni Tugade na hindi kukumpiskahin ang lisensya ng motorista kapag nahuling lumabag sa batas-trapiko maliban na lamang kung ito ay may pending pang multa na hindi nababayaran.