MANILA, Philippines — Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang “Ligtas SumVac 2023” bunsod na rin ng inaasahang dagsa ng tao sa iba’t ibang simbahan, pasyalan at tourist destinations ngayong summer holiday season.
Ayon kay PNP Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., naglabas na sila ng operational guidelines para sa lahat ng police units at stations sa bansa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko partikular ang mga bibiyahe sa iba’t ibang probinsiya.
Kaugnay nito, paiigtingin din ng PNP ang mga checkpoints operations at ang pagsasagawa ng regular na inspeksyon at mobile patrols sa mga matataong lugar tulad ng mga terminal, pantalan, paliparan at iba pang transport hubs.
Magkakaroon din ng mga Assistance Hubs (AHs) at Police Assistance Desks (PADs) kung saan mayroon itong kabuuang 38, 387 police officers na nakadeploy at 39,504 mga pulis naman ang nakatoka sa pagsasagawa ng mobile at foot/beat patrol.
Binigyang direktiba din ni Azurin ang mga pulis na makipag-ugnayan sa nasasakupan nilang LGUs, iba pang-law enforcement agencies, private security providers at mga force multipliers upang maiwasang makapagtala ng untoward incidents.
Paalala rin ni Azurin sa publiko, maging maingat at alerto sa lahat ng oras at tanging sa mga pulis at ibang law enfocers lumapit para sa assistance.