MANILA, Philippines — Nilinaw ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na alinsunod sa batas ang pagtatalaga ng ilang sidewalks bilang parking areas.
Ito ang iginiit nina Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Adviser Dennis Viaje, dahil ito ay alinsunod sa matagal nang umiiral na ordinansa ng lungsod na nasa anyo ng isang lokal na batas at nasa kapangyarihan ng lokal na pamahalaan.
Partikular dito ang executive department, na hindi tumitigil sa pagbuo ng mga paraan para ma-accommodate ang patuloy na lumalagong bilang ng mga sasakyan sa lungsod.
Sinabi ni Viaje na ang kapangyarihan ng lungsod na magtalaga ng mga parking space ay nakapaloob sa mismong ordinansa na lumikha ng MTPB, Ordinance 8092.
“Ang pamahalaang-lungsod, iniisip kung paano maa-accommodate lahat dahil patuloy ang pagdami ng mga sasakyan pero ang mga kalye, ‘di naman dumarami. ‘Yung mga bangketa na may naka-park na motor, may butas po sa gitna ‘yun kasi baka sabihin walang madaanan ang pedestrian. Kahit mas mataba sa akin makakadaan,” paliwanag ni Viaje.
Sinusugan naman ni Liga ng mga Barangay President and Manila Councilor Lei Lacuna ang karapatan ng LGU na gumawa ng paraan na lumikha ng parking areas.
“May mga barangay na puro iskinita, mayroong malapad so bawat chairman ay mayroong iba-ibang approach on how to deal with parking problems pero sinisigurado naming alinsunod sa batas,” aniya.