P1.4 bilyong puslit na yosi nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Nasa P1.4 bilyong halaga ng ‘smuggled cigarettes’ ang nasabat ng Bureau of Custom.
Sa naantalang ulat ng BOC, nitong Marso 2 nang inspeksyunin ng BOC-Intelligence Group at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang isang bodega sa naturang bayan makaraang makatanggap ng impormasyon ukol sa nakaimbak na mga smuggled na produkto.
Sinabi ni Deputy Commissioner for Intelligence Group (IG) Juvymax Uy na nadiskubre sa inspeksyon sa bodega ang nasa 18,533 master cases ng iba’t ibang brand ng imported na sigarilyo na nagkakahalaga ng P1.4 bilyon. Kabilang sa mga brands ay ang Bravo, New Far, BPBM, Billionaire, Cannon, Souvenir, Astro, Wilcon, New D’ Premier, B&E Ice, at Fort.
Ayon kay Uy, kahit napakalayo na ng Indanan, Sulu sa kanila ay hindi ito naging dahilan para hindi salakayin ang naturang bodega na hinihinalang pinamamahalaan ng isang malaking sindikato na nagpapakalat ng sigarilyo sa Mindanao ng walang binabayarang buwis sa pamahalaan.
Para sa kanilang seguridad, katuwang ng BOC sa inspeksyon ang mga tauhan ng Western Mindanao Command-Armed Forces of the Philippines (WESMINCOM-AFP), 11th Infantry Division ng Philippine Army (11ID P.A.), Philippine Air Force-Special Operations Wing (PAF-SPOW), Joint Task Force (JTF)-Sulu, Philippine Navy-Naval Special Operations Unit (PN-NAVSOU), at PN Naval Forces Mindanao.
Naglabas na ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) sa naturang mga produkto dahil sa paglabag sa RA 10863 o ang Customs Modernization and Tarif Act at mga batas ukol sa regulasyon ng tabako at mga produkto nito.
- Latest