MANILA, Philippines — Naipit sa riles at muntik nang mahulog sa ilog ang isang kotse na minamaneho ng isang dayuhan nang iligaw umano sila ng ginagamit nilang map/navigation application at mapadpad sa PNR Station railroad sa Pandacan, Maynila kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Pandacan Police Station 10 ng Manila Police District, pasado alas-4 ng madaling araw nang ma-monitor ang pagkakaipit ng isang puting Ford Focus SUV sa riles sa Beata PNR station south bound sa may Tomas Claudio Street malapit sa Beata St., Pandacan.
Sakay ng sasakyan ang Chinese-Malaysia na nakilala lamang sa pangalang “Wiselie”, lalaki, 28-taong gulang, nakatira sa LP Leviste St., Bel-Air, Makati City at ang pasahero niyang si Judy Adriano, 27, nakatira sa Harrison Mansion, FB Harrison, Pasay City.
Sa ulat, patungo sa Makati City ang sasakyan nang dumaan sa riles ngunit naipit ang gulong nito at hindi na makaalis. Nagdulot ito ng panganib at pagkaantala sa serbisyo ng PNR nang ipahinto ang mga bumibiyaheng tren.
Agad na tumawag ang Pandacan Police Station ng tulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mabilis na rumesponde. Kinailangan pang gumamit ng crane para matanggal ang sasakyan sa pagkakaipit sa riles.
“During the process ng pag-uwi nila, eh tinuturo sila on the way sa Pandacan…hanggang sa naituro sila ng Waze sa riles ng tren na supposed to be. Hindi naman dapat doon ang way nila at nagkamali siguro ang application. Doon sila naituro at sinundan nila,” ayon kay Pandacan Police chief PCapt Michael Locsin.
Sa ilalim ng riles kung saan sila naipit ay ang makitid na ilog na kung hindi agad natanggal ang sasakyan ay maaari silang mahulog, ayon pa sa opisyal.