96 pasyente namamatay sa cancer kada araw - Oncology expert

Magnified "cancer" text from a newspaper.
Image by PDPics from Pixabay

MANILA, Philippines — Nasa 96 na pasyente kada araw ang nasasawi ngayong 2023 sa Pilipinas dahil sa iba’t ibang uri ng cancer, ayon kay Philippine Society of Medical Oncology president Dr. Rosario Pitargue.

Inihayag ito ni Pitargue sa gitna ng National Cancer Summit nitong nakaraang Biyernes kung saan tinukoy rin ang pag-aatubili ng mga pasyente na magpagamot dahil sa takot sa malaking gastos.

Sinabi ng espesyalista na sa 100,000 pasyente na dina-diagnose, may 184 positibong kaso ang kanilang natutukoy.

Nangunguna sa pinakamaraming namamatay ang mga dinadapuan ng lung cancer, kasunod ang liver, breast, colon at prostate.

Matatandaan na tinukoy ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan na ikatlo ang cancer sa pinakanakakamatay na sakit sa bansa na may 42,497 nairekord na kaso ng nasawi mula Enero hanggang Setyembre 2022.  Nangunguna sa deadly na sakit ang “ischemic heart diseases” na may 77,173 deaths at ikalawa ang “cerebrovascular diseases” kabilang ang stroke na may naitalang 42,890 deaths.

Tinukoy ni Healthy Pilipinas co-convener Ralph Degollacion na kabilang sa mga contributor sa pagkakasakit ng cancer ang kapaligiran, maging ang paninigarilyo, pag-inom ng alak, hindi tamang diyeta, at kakulangan sa pisikal na aktibidad.

Sinabi naman ni Cancer Coalition Philippines vice president Carmen Auste, dahilan din sa pagtaas ng mga nasasawi ang pag-aatubili ng mga pasyente na magpatingin sa mga espesyalista dahil sa takot sa gastos, habang may kakulangan din sa kaalaman sa pagtukoy sa mga senyales at sintomas nito ang mga pasyente at maging mga medical practitioners.

Kailangan din ng pagbabago sa “referral system” ng mga rural health untis sa mga ospital upang maagapan ang mga pasyenteng may cancer.

Show comments