MANILA, Philippines — Patuloy pa rin ang pagre-recruit ng sindikato ng crypto trafficking sa bansa makaraang anim pang biktima nito ang nasabat sa magkahiwalay na insidente sa mga paliparan sa Pasay at Pampanga kamakailan, ayon sa ulat ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay BI-Travel Control and Enforcement Unit Chief Ann Camille Mina, Enero 20 nang maharang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ang tatlo sa mga biktima makaraang magtangkang makalipad patungo sa Bangkok, Thailand.
Unang nagpanggap ang tatlo na mga turista at buhat sa isang kumpanya. Nagpakita pa sila ng mga dokumento para patunayan ito ngunit nang tanungin isa-isa, naging magkakaiba na ang kanilang mga pahayag kaya isinailalim sila sa ikalawang inspeksyon.
Dito umamin ang tatlo na ang destinasyon talaga nila ay ang Laos at inalok ng P40,000 para magtrabaho bilang ‘customer service representative, sales representative at cook’ sa isang investment company. Na-recruit umano sila ng isang agent sa pamamagitan lang ng social media.
Kasunod nito noong Enero 31, nasabat ang tatlo pang lalaki na biktima sa Clark International Airport na patungo rin sana ng Thailand. Pareho rin ang dahilan sa pagbiyahe nila ngunit kinalaunan ay umamin na magtatrabaho bilang encoders at e-games staff na may $1,000 sahod na inalok sa kanila ng isang agent sa social media.
“There are reports that many of our kababayan are offered work in BPOs, only to end up working for scamming companies abroad,” saad ni Tansingco.
Sa halip na magpaloko, pinayuhan ni Tansingco ang mga biktima na agad na iulat ito sa Department of Migrant Workers (DMW) kapag mag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa. Marami na kasing ulat na bumabagsak sa mga cryptocurrency scam companies ang mga nagre-recruit na Pilipino at biktima ng pang-aabuso sa ibang bansa.