Pagsabog sa laundry shop: 16 sugatan

Nagkalat ang debris sa naganap na pagsabog sa isang laundry shop sa Malate, Manila dahil sa leak sa LPG. Labing-anim katao ang nasugatan sa insidente.
Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Labing-anim katao ang nasugatan sa naganap na pagsabog sa isang laundry shop dahil umano sa tagas ng tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) na  nagdulot din ng sunog  sa Malate, Maynila, ka­makalawa ng gabi.

Batay sa ulat ng Manila Police District- Malate Police Station 9 (PS-9), ang mga nasugatan ay kinabibilangan ng mga tauhan ng laundry shop, mga kostumer, tauhan sa kalapit na restaurant at bilyaran na malapit dito. Kabilang din sa mga biktima ang mga estudyanteng boarder ng dormitoryo at isang napadaan lamang sa lugar.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-7:20 ng gabi  nang maganap ang pagsabog sa 360 Wash and Laundry Shop nasa  F. Reyes St., kanto ng Noli Agno St. sa Malate, na pagma-may-ari ni Sofia Ana Maria Ascaño.

Nagulantang na lamang umano ang biktima nang biglang may sumabog sa loob ng laundry shop at nang tingnan ang kanilang mga sarili ay may nagaganap nang sunog at pawang duguan na sila. Mabilis din namang nakaresponde ang mga tauhan ng Manila Fire Department upang apulain ang apoy, na nai­deklarang fireout dakong alas-7:34 ng gabi.

Ayon kay MPD Director PBGen Andre Dizon, nagkaroon ng gas leak sa LPG tank ng laundry shop na nagresulta sa pagsabog. Isa umano sa idineliber na LPG tank ay hindi maayos na naikonekta nang nagdeliber kaya hinihinala na dito nagmula ang pagsabog.

Nangako naman ang may-ari ng laundry shop na sasagutin ang gastos sa pagpapagamot sa mga biktima ngunit pinag-aaralan pa rin ng pamilya ng mga ito ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.

 

Show comments