MANILA, Philippines — Inilunsad ng AF Payments Inc., operator ng beep™, ang bagong solusyon na idinisenyo para maging mas maginhawa sa mga pasahero ang pagbili ng tiket sa bus. Ito ang Advance Booking System, na unang ipatutupad ng Davao Metro Shuttle (DMS) sa ruta nitong Metro Manila-Davao, ang pinakamahabang ruta ng bus sa ngayon.
Simula ngayon, Enero 27, ang mga commuter at turista ay makapagpapareserba na ng tiket nang maaga para bawas-abala sa pila sa araw ng biyahe. Maaaring bumili at mag-rebook ng mga tiket sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) gamit ang beep™ card o sa pamamagitan ng kanilang advance booking hotline: Davao-PITX (0939-1351349) o PITX-Davao (0981-3313389).
“Sa bagong Advance Booking System, pinalalawak ng AF Payments Inc. ang inaalok naming mga solusyon upang patuloy na suportahan ang mga pangangailangan sa negosyo ng aming partner transport operators sa buong bansa. Pinagsusumikapan namin ang mga ganitong klaseng inobasyon para mapabuti ang karanasan sa pagko-commute ng publiko. Ngayong 2023, umaasa kaming maihatid ang aming teknolohiya sa mas maraming ruta sa pamamagitan ng pagpapaigting ng kolaborasyon sa mga interesadong kasosyo,” ayon kay Sharon Fong, Chief Commercial Officer ng AF Payments Inc.
Ang Davao Metro Shuttle ay isang pangunahing beep™ partner mula pa noong Nobyembre 2019. Nagpapatakbo ito ng mga inter-provincial bus na may automated fare collection system (AFCS), na kinabibilangan ng Davao City-Arakan; Davao City-Kidapawan; Davao City-Butuan City; C.P. Garcia-Roxas; Catalunan-Roxas; Ormoc City-Sogod; at Tacloban City-Calbayog City. Ang pinakabagong ruta nito-PITX-Ecoland Terminal sa Davao City ay inilunsad noong Hunyo 2022.
Bukod sa DMS, ang Annil Transport Service Inc., na may rutang Davao City-Calinan, ay kasosyo rin para sa AFCS mula pa noong Pebrero 2020. Nagtatampok ito ng mga modernong low-floor city buses na may closed-circuit television (CCTV) camera, LCD TV, mga leather na upuan, Wi-Fi, at global positioning system (GPS).
Ang AF Payments Inc. ay naglalayong palawakin ang paggamit ng mga solusyon nito sa pagbabayad ng pamasahe sa mga bus at modernong jeepney sa mas maraming probinsya ngayong taon. Plano nitong makipagtulungan sa mga transport operator na sumusunod sa PUV Modernization Program ng gobyerno para maserbisyuhan ang mahigit 70 milyong commuters sa bansa.
Ang pangunahing serbisyo nito ay ang AFCS kung saan nararanasan ng mga pasahero ang ginhawa ng cashless at contactless na pagbabayad ng pamasahe, habang tinutulungan ang mga transport operator na mas mahusay na pamahalaan ang kanilang pagkolekta, pag-record, at remittance ng kita kumpara sa tradisyonal na manu-manong paraan kung saan malaki ang posibilidad ng human error at pangungupit.