MANILA, Philippines — Umaabot sa 1,000 miyembro ng Tricycle Operators at Drivers Association mula sa ika-6 na distrito ng Quezon City ang tumanggap na ng kani-kanilang mga Fuel Subsidy Fleet Card mula sa lokal na pamahalaan.
Ang bawat fleet card ay may lamang P1,000 na maaari nilang magamit sa pagpapa-karga ng gasolina sa anumang branch ng Petron sa lungsod.
Ang pamamahagi nito ay paraan ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte na matugunan ang suliraning kinakaharap ng mga TODA sa kabila ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at bilihin.
Ang fuel subsidy ay sinimulan ni Belmonte noong una itong maupo bilang alkalde ng lungsod ng 2019 para makaagapay ng mga TODA.
Tiniyak ni Belmonte na magtutuluy-tuloy ang programang ito upang alalayan ang mga miyembro ng TODA sa lungsod habang bumabangon sa epekto ng pandemya ang bansa.
Ang fuel subsidy ay ginawa ng lungsod bilang kapalit sa taas-pasahe na hinihingi ng mga driver upang hindi naman maapektuhan ang mga pasahero.