MANILA, Philippines — Hahandugan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng libreng sakay ang kanilang mga parokyano sa Rizal Day, Disyembre 30, Biyernes.
Ayon sa Light Rail Transit Authority (LRTA), ang libreng sakay ng LRT-2 ay ipatutupad mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.
“Bilang paggunita sa Rizal Day, may handog na LIBRENG SAKAY ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Biyernes, ika-30 ng Disyembre, mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM,” anang LRTA, sa isang advisory kahapon.
Nabatid na ang unang tren ng LRT-2 mula sa Recto at Antipolo Stations ay aalis ng alas-5:00 ng madaling araw.
Ang huling tren naman mula sa Antipolo Station ay aalis ng alas-9:00 ng gabi habang alas-9:30 ng gabi naman ang last trip sa Recto Station.
Nabatid na ang pagkakaloob ng libreng sakay ay bilang pakikiisa ng LRTA sa mga Pilipino sa paggunita at pag-alala sa kabayanihan ni Gat Jose Rizal.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din naman ng LRTA ang mga pasahero na sumunod pa rin sa health, safety at security protocols para makaiwas sa COVID-19 at sakuna.