Paggamit ng paputok sa Quezon City, ni-regulate ni Mayor Joy; Fireworks display sa public places lang pwede
MANILA, Philippines — Ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon, ni-regulate ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang paggawa, pagbebenta at paggamit ng firecrackers sa lungsod.
Sa isang kautusan, sinabi rin ni Belmonte na tanging mga aprubadong firecrackers at pyrotechnics lamang ang papayagang gamitin sa mga pampublikong lugar na pahihintulutan ng city government.
“Private households are hereby prohibited from using firecrackers and staging their own fireworks display,” ayon kay Belmonte.
Sa paglalabas ng Executive Order No. 54, binigyang-diin ni Mayor Joy na ang Department of Health (DOH) ay nakapagtala ng 47% na pagtaas sa bilang ng mga firecrackers at fireworks-related emergencies and injuries dahil sa unregulated at indiscriminate use ng mga firecrackers at iba pang pyrotechnic devices noong 2021, kumpara sa kabuuang bilang na naitala noong mas nauna pang taon.
Aniya pa, nais niyang ma-minimize, hindi man tuluyang ma-eliminate ang pagkasugat at pagkamatay dahil sa paputok sa lungsod.
Sinabi pa ng alkalde sa kanyang kautusan, na kinakailangan ring kumuha ng permiso at otorisasyon sa Department of Public Order and Safety (DPOS) bago payagan ang isang pampublikong lugar na magamit sa fireworks display.
Una nang sinabi ni Belmonte na ang Quezon Memorial Circle at mga piling malls gaya ng Eastwood, SM at Robinsons ay magkakaroon ng sariling fireworks display sa magkakaibang lugar para ma-enjoy ng publiko.
Nilimitahan rin ng alkalde ang pagbebenta ng mga permissible firecrackers at pyrotechnic devices sa mga shopping malls na may clearance mula sa DPOS at special permit mula sa Business Permits and Licensing Department.
Mahigpit ring ipinagbabawal ang pagmanupaktura, paggamit, pagbebenta at distribusyon ng iba pang uri ng fireworks at pyrotechnic devices na maaaring maglagay sa panganib sa buhay at parte ng katawan ng publiko.
Inatasan pa ni Mayor Joy ang mga barangay officials na magbigay ng kinakailangang tulong sa mga law enforcement agencies at isumbong sa mga otoridad ang anumang paglabag hinggil dito. Sa panig naman ng Quezon City Police District (QCPD), tiniyak nito na istriktong ipatutupad ang mga guidelines at iba pang batas at regulasyon hinggil sa regulasyon sa firecrackers at pyrotechnic devices.
- Latest