Seniors na nawala sa database na tatanggap ng pensyon, lumusob sa City Hall
MANILA, Philippines — Nagsimula nang dumagsa ang mga senior citizens ang tanggapan ng Manila Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) makaraaang matanggal ang kanilang mga pangalan sa database ng mga makakatanggap ng pension ngayong Disyembre.
Ayon sa mga senior citizen mula sa District 1 at District 2, nagulat na lamang sila nang malaman sa kanilang barangay na hindi na sila kasali sa listahan kahit na kuwalipikado sila.
“Kuwalipikado naman kami, nakaboto ng nagdaang halalan at dito naninirahan pero naalis sa listahan ang mga pangalan namin at ‘yung mga matagal nang namatay ay nailagay,” pahayag ng isang kuwalipikadong benepisyaryo sa OSCA.
Kahapon, nag-umpisa na ang pamamahagi ng allowance sa mga kuwalipikadong seniors mula District 1 hanggang District 6.
Kasama sa ibibigay ang mga buwan ng Setyembre, Oktubre, Nobyembre at Disyembre para sa kabuuang halagang P2,000.
Pero marami sa mga senior ang nakabalita na wala na sila sa listahan kaya nagsisugod sa tanggapan ng OSCA.
Itinuro ng mga taga-OSCA ang mga opisyal ng barangay na nagpasa ng listahan na siya umanong pinagbabasehan nila sa mga benepisaryo.
Ngunit ayon sa isang kagawad ng barangay na hindi nagpabanggit ng pangalan, tama at kumpleto ang isinumite nilang mga pangalan pero pagdating sa database ng OSCA ay nawawala na ang ilang pangalan habang ang iba ay may nakalagay na asterisk.
Pinayuhan naman ng OSCA ang mga senior citizen na nawala sa listahan na magtungo sa kanilang karugtong na tanggapan sa Freedom Hall sa loob ng Manila City Hall upang doon magtanong at dalhin ang kanilang Senior Citizen ID at tatlonc kopya ng Xerox nito na may tatlong lagda.
Hindi umano pwede na mag-proxy ang anak o kahit sinong kaanak ng senior na kumatawan sa kanya para maayos na maproseso ang reklamo at ang pension.
- Latest