Water level sa Marikina River, ibinaba na sa first alarm
MANILA, Philippines — Naibaba na sa unang alarma ang antas ng tubig sa Marikina River kahapon ng umaga.
Ito’y matapos ang pananasala ng bagyong Paeng sa Metro Manila nitong Sabado.
Sa abiso ng Marikina City Government, nabatid na hanggang alas-10:05 ng umaga nitong Linggo ang water level sa ilog ay bumaba na sa 15.8 metro above sea level.
Nananatili pa rin namang nakabukas ang walong gate ng Manggahan Floodway.
Matatandaang nitong Sabado ay itinaas ng Marikina City Government ang antas ng tubig sa Marikina River sa ikalawang alarma dakong ala-1:50 ng hapon matapos itong umabot sa 16 metro above sea level.
Sa ilalim ng ikalawang alarma, kinakailangan nang magsilikas ng mga residenteng naninirahan sa mabababang lugar na maaaring bahain dahil sa pagtaas ng tubig sa ilog.
Ang unang alarma naman ay itinataas kung ang antas ng tubig sa ilog ay umabot na sa 15 metro above sea level, na nangangahulugang maghanda o “prepare.”
- Latest