96 pamilya, kinanlong sa evacuation center sa Quezon City

MANILA, Philippines — Nakakanlong sa evacuation center ang may 96 pamilya o 350 indibidwal nang umabot sa dibdib ang taas ng tubig sa may Greenland Subdivision sa Brgy. Bagong Silangan sa Quezon City dahil sa pag-ulang dala ng bagyong Paeng sa Metro Manila.

Ang naturang mga pamilya ay dinala sa evacuation center sa Bagong Silangan ­Elementary School,  gayundin sa old isolation area sa naturang barangay  at sa Sulyap Multi Purpose hall sa lungsod.

Binaha rin ang Brgy. Sto Domingo lalo na sa may Retiro kanto ng Don Jose na may hanggang tuhod ang tubig baha, gutter deep naman sa Calamba corner San Jose, gutter deep sa Maria Clara na nadaanan naman ng mga sasakyan.

Umabot naman ang hanggang tuhod  na pagbaha sa may  Masambong High school at hanggang bewang naman sa Ma­riblo.

Ang naturang mga lugar ay itinuturing na flood prone areas kaya’t patuloy na sinusubaybayan ng mga ­elemento ng QC Disaster Risk Reduction Council upang magsagawa ng agarang paglilikas kung magpatuloy ang pagbaha sa naturang mga lugar.

Show comments