Pekeng dentista huli

Kinilala ng NBI-Lucena District Office ang nadakip na suspek na si Blanca Perjes Capisonda-Lobusta, alyas Tita Costa, ng Purok Atin-Atin II, Brgy. Marketview, Lucena City.
Pixabay

MANILA, Philippines — Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang babae na nagpapanggap na isang dentista at nambibiktima ng mga pasyente na sa halip maresolba ang sakit sa ngipin ay nadagdagan pa ang problema sa Lucena City.

Kinilala ng NBI-Lucena District Office ang nadakip na suspek na si Blanca Perjes Capisonda-Lobusta, alyas Tita Costa, ng Purok Atin-Atin II, Brgy. Marketview, Lucena City.

Naaresto ang suspek sa ikinasang entrapment operation nitong Setyembre 8 nang tanggapin niya ang marked money sa isang asset sa loob ng isang bahay sa siyudad. Sa kabila ng walang klinika, tumatanggap umano ang suspek ng home service.

Pinosasan siya ng mga operatiba habang naghahanda na bigyan ng anestisya para magbunot ng ngipin ang suspek. Nakumpiska sa kaniya ang iba’t ibang gamit pang-dentista at ang tinanggap na marked money bilang ebidensya.

Kinumpirma naman ng Professional Regulation Commission (PRC) na walang hawak na balidaong ‘certificate of registration’ at ‘professional card in Dentistry’ ang suspek. Hindi rin siya kabilang sa listahan ng mga rehistradong dentista sa bansa.

Nabatid rin na dati nang nadakip ang suspek ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Marso 16, 2021 sa parehong kaso ngunit napalaya nang sumailalim siya sa probation.

Iniharap ang suspek para sa inquest proceedings sa Inquest Prosecutor ng Lucena City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa RA 9484 o mas kilala bilang The Philippine Dental Act of 2007.

Show comments