MANILA, Philippines — Aabot sa P6.2 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang ‘tulak’ sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Jenny Roy Dayrit, 24 at residente ng F2 Hermosa Street, Tondo, Manila.
Ayon sa pulisya, dakong alas-6:05 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Gilmer Marinas, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO sa second floor, unit 2-G building 361, Barangay 18, Caloocan City.
Isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P9,000 halaga ng marijuana.
Nang tanggapin ng suspek ang marked money mula sa police poseur buyer ay dito na dinamba ng mga pulis.
Maliban sa isang brick ng marijuana na nabili ng mga operatiba, narekober pa sa suspek ang isang bag na naglalaman pa ng 51 pirasong bricks transparent plastic wrapped na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.
Kasong paglabag sa Sec. 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Sec. 11 (Possesion of Dangerous Drugs), Art. II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa ng pulisya kontra sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.