MANILA, Philippines — Umaabot sa P10 milyon ang halaga ng shabu na nasabat sa isang ‘tulak’ sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Caloocan Police Chief, Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong suspek na si Mark Anthony Ferrer, 38, may-asawa, ng No. 75 Simoun Street, Sta. Mesa Heights, Banawe, Quezon City.
Sa repot ni Mina kay Northern Police District (NPD) acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-5 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Gilmer Mariñas, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ng buy-bust operation sa Block 15 Lot 33, Santan St., Almar Subdivision, Barangay 177 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa suspek ng P150,000 halaga ng droga.
Nang tanggapin ng suspek ang buy-bust money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang knot tied transparent plastic na naglalaman ng nasa 100 gramo ng hinihinalang shabu, agad itong inaresto.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 1,600 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P10,880,000, buy-bust money na isang tunay na P1,000 bill at P149 pirasong P1,000 boodle money at itim na hand bag.
Sasampahan ng pulisya ng kasong paglabag sa Sec. 5 (Selling of Dangerous Drugs) at Sec. 11 (Possesion of Dangerous Drugs), Art. II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office.