MANILA, Philippines — Isang Taiwanese ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng P3 milyong halaga ng hinihinalang Ketamine drug sa isang controlled delivery operation sa Brgy. Poblacion, Makati City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva ang naarestong suspek na si Chang Bin Yen, 33, Taiwanese national at residente ng Tainan, Taiwan.
Batay sa ulat, ang suspek ay naaresto dakong alas-12:00 ng madaling araw sa kanto ng Salamanca St. at Eduque St. sa Brgy. Poblacion.
Nauna rito, nakatanggap ang mga awtoridad ng tip hinggil sa dumating na dalawang FedEx box na nakatago sa anim na piraso ng stainless teel water purifier at naglalaman umano ng mga puting pulbos na hinihinalang ketamine na tumitimbang ng 600 gramo at nagkakahalaga ng may P3 milyon.
Nang makumpirmang ilegal na droga ang laman ng mga kahon, kaagad na nagkasa ng controlled delivery operation ang mga tauhan ng PDEA ROIII RSET, PDEA RO III AIU, BOC-Port of Clark, South Police District at Makita City Sub Station 6, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkarekober ng ilegal na droga.
Ang suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.