Patay kay ‘Agaton’ pumalo na sa 172 - NDRRMC
MANILA, Philippines — Umakyat na sa 172 ang naiulat na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong Agaton.
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ng umaga, 156 ang nasawi sa Eastern Visayas; 11 sa Western Visayas; tatlo sa Davao Region at dalawa sa Central Visayas.
Gayunman sa nasabing bilang, 12 pa lamang ang kinumpirma ng NDRRMC kung saan 11 dito ay mula sa Western Visayas at isa sa Eastern Visayas.
Nananatili naman sa 110 ang nawawala.
Samantala, sumampa na sa 2,015,643 indibidwal o 583,994 pamilya ang naapektuhan ng bagyong Agaton.
Mula ito sa 2,419 na mga barangay sa Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro.
Umaabot naman sa 207,572 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation centers habang nasa 188,348 ang nakikitira muna sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 517 insidente ng pagbaha, 88 landslides, anim na flash floods, limang pagkalunod, tatlong maritime incidents, dalawang insidente ng pag-apaw ng creek at isang insidente ng pag-apaw ng ilog.
Nagdeklara na ng state of calamity ang 16 lungsod at munisipalidad sa mga rehiyon na hinagupit ng bagyo.
- Latest