Fuel subsidy sa PUV drivers, kulang - transport group

MANILA, Philippines — Kulang umano ang naipagkakaloob na fuel subsidy ng pamahalaan bilang iwas epekto sa  mataas na ­presyo ng produktong petrolyo.

Sa pahayag ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) hindi nakakasapat ang  one-time P6,500 fuel subsidy ng gobyerno sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators lalo na nga’t sunud-sunod ang taas ng ­presyo ng produktong petrolyo.

Anila ang P6,500 fuel subsidy ay halos sa isang linggo lamang nilang biyahe o walong araw na pamamasada sa kabila na ang arawang pagkakarga nila ng krudo ng jeep ay may halagang P1,200 hanggang P1,300.

BInanggit pa ni Piston president Modesto Floranda na mawawalan lamang ng silbi ang fuel subsidy kung patuloy pa ring tataas ang halaga ng petrolyo.

“Yung kwentada nga po namin mula sa P363 per day ay sa loob ng isang buwan ay P8,400 ‘yung direct na buwis na binigay sa government. Sabi nga po namin binigyan kami ng P6,500, nagbigay naman kami ng P8,400 sa loob ng isang buwan, mas malaki ‘yung inilabas namin kaysa sa ibinigay sa’min na tulong’,” sabi ni Floranda.

Ayon sa Land Tranportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umaabot na sa 150,000 mga driver ng pampasaherong sasakyan ang nakakuha na ng fuel subsidy mula nang ipatupad ang pamimigay ng ayuda noong March 15.

Show comments