MANILA, Philippines — Naniniwala si Taguig Mayor Lino Cayetano na sa paglalagay sa Alert Level 1 sa Metro Manila ay hindi lamang new normal ang dapat asahan, kundi ang mas mainam na kinabukasan para sa ekonomiya.
Maibabalik aniya, ang buhay ng ekonomiya, kahit hindi naman agad-agad basta magtiwala lamang ang mga kababayan, Dapat aniya, na maging matapang na lumabas basta tiyakin na nakasuot ng face mask, bumiyahe kung bakunado, buksan na ang mga paaralan para makabalik sa kolehiyo ang mga estudyante, magsimula ng ibang negosyo at kumuha ng mga bagong empleyado.
Kabilang si Cayetano sa 17 alkalde na kabuuan ng Metro Manila Council (MMC) na lumagda sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Resolution 22-06 na nagrekomenda sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na isailalim na ang National Capital Region sa Alert Level 1 simula Marso 1.