Ammonia leak sa ice plant sa Navotas
MANILA, Philippines — Naghari ang pangamba sa mga residente ng Brgy. NBBS sa Navotas City kahapon matapos ang insidente ng ammonia leak sa isang ice plant doon.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-7:44 ng umaga nang maganap ang ammonia leak sa Magsimpan Ice Plant ang Cold Facility na matatagpuan sa 318 North Bay Boulevard, Brgy. NBBS.
Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng BFP Navotas sa lugar.
Ayon kay Fire Marshal, F/Supt. Eugene Briones, walang matindi o malakas na amoy ng ammonia na sumalubong o nalanghap ang mga naunang nagrespondeng tauhan ng BFP.
Naagapan aniya ng bahagya ang amoy ng sumingaw na ammonia sa pamamagitan ng pagsasara ng ‘bypass valves’ at pagsasagawa na rin ng ‘vacuum operation’ upang mahigop ang ‘ammonia residues.’
Sinabi ni Briones na batay sa kanilang imbestigasyon, nagkaroon ng ‘mechanical failure’ ang cooling tower system na nagdulot sa pagsingaw ng ammonia.
Inirekomenda naman na aniya nila ang paglalagay ng ‘gas leak monitoring system’ sa ice plant upang agad na matukoy ang pagsingaw ng ammonia at hindi na maulit pa ang naturang pangyayari.
Samantala, sinabi naman ni Roey Ganzo, duty maintenance crew ng planta na maaaring sa condense/header component ng cooling tower nagmula ang leak ng ammonia.
Wala namang napaulat na nasaktan o napinsala dulot ng naturang ammonia leak.
- Latest