MANILA, Philippines — Pinababawi na ni Philippine National Police chief, Lt. Gen. Dionardo Carlos ang lahat ng mga police escorts ng mga pulitikong tatakbo sa 2022 elections.
Ayon kay Carlos, batay sa nakasaad sa regulasyon kailangan na dumaan sa proseso ang paghingi ng police escorts kung saan kailangan munang mag-apply ng exemption sa Comelec ang mga politiko at patunayang talagang may banta sa kanilang buhay.
Aniya, kung may pahintulot na aniya sila mula sa Comelec, ay saka sila bibigyan ng Police Security Protection Group (PSPG) ng security detail.
Paalala naman ng PNP chief sa mga pulis na ma-aassign sa mga kandidato, nilinaw nito ang kanilang papel ay magbigay lang ng seguridad at hindi tumulong sa kampanya.
Binigyang diin pa ng PNP chief na istriktong pananatilihin ng PNP ang kanilang pagiging “neutral” sa eleksyon.
Nanawagan naman si Carlos sa publiko na isumbong sa PNP kung may makikita silang mga pulis na hayagang mangangampanya para sa sinumang kandidato.
Dagdag pa ni Carlos, tinitiyak ng PNP na wala silang kikilingang pulitiko at ang lahat ay batay sa batas.