Obrero inabangan, inutas sa Baseco

MANILA, Philippines — Utas ang isang obrero nang saksakin ng isang lalaking pinaniniwalaang ka­kilala niya, sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Domingo Jake Lim Baranda Jr., 34, ng Old Site, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/Staff Master Sgt. Jorlan Taluban ng Manila Police District Homicie Section, naganap ang insidente dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa eskinita ng Block 17, sa Baseco Cmpd.

Nagtungo lamang umano ang biktima sa sari-sari store nang biglang lumutang ang isang lalaki at mabilis siyang inundayan ng mga saksak.

Bumagsak ng duguan ang biktima na nagtamo ng saksak sa dibdib at tagiliran habang ang suspek ay mabilis ding naglaho.

Blangko ang pulisya sa motibo sa nasabing pamamaslang habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Show comments