MANILA, Philippines — Nasa P1.5 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad mula sa tatlong pinaniniwalaang ‘tulak’ nang takbuhan ng mga ito ang mga pulis na nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa Caloocan City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina, Jr., ang mga suspek na sina Jeffrey Feliciano, 43; Regie Rivera, 35, at Jeric Sy, 52.
Sa report ni Mina kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-12:05 ng madaling araw nang magsagawa ng ‘Oplan Sita’ sa kahabaan ng Taksay St., Brgy. 28 ang mga tauhan ng Tuna Police Sub-Station (SS1) sa pangunguna ni PMaj. Jerry Garces.
Pinara ng mga pulis ang dalawang motorsiklo na kinalululanan ng mga suspek na walang suot na mga helmet.
Subalit hindi pinansin ng mga suspek ang mga pulis at tumakas dahilan upang habulin sila ng mga parak hanggang sa bumangga sa nakaparadang truck si Sy. Naaresto si Sy at dalawa pang kasama nito.
Dito na nakuha sa mga nadakip ang nasa 100 grams ng hinihinalang shabu habang narekober naman kay Rivera ang isang medium plastic sachet na naglalaman ng nasa 25 grams ng hinihinalang shabu, samantalang nasamsam naman kay kay Feliciano ang isang knot tied plastic sachet na naglalaman ng nasa 100 grams ng shabu.
Sa kabuuan umaabot sa P1.5 milyon ang halagfa ng ilegal na droga na nasamsam sa mga suspect.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Art 151 of RPC, RA 10054 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.