MANILA, Philippines — Umabot sa 22 indibiduwal na lumabag sa ‘quarantine protocols’ ang hinuli at kinasuhan ng Manila Police District (MPD) nitong Linggo bilang bahagi nang mahigpit na pagbabantay sa Manila North Cemetery.
Sinabi ni MPD Director BGen Leo Francisco na karamihan sa hinuli ay walang suot o kaya naman ay mali ang pagsusuot ng face masks.
Patuloy pa rin naman ang pagdagsa ng mga tao sa naturang sementeryo na isasara umpisa sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2. Sinabi ni Francisco na nakapagtala sila ng 25,000 bisita nitong Linggo at 15,000 naman noong Sabado.
Ipinagbawal na ng pamunuan ng MNC ang pagpasok ng anumang uri ng sasakyan sa loob ng sementeryo ngunit malaya namang nakabibiyahe ang mga tricycle na may pila sa pangunahing gate nito.
Matatandaan na unang nanawagan si Manila City Mayor Isko Moreno sa publiko na agahan ang pagbisita sa kanilang mga kaanak sa mga sementeryo dahil sa pagsasara muli ng mga ito ngayong Undas upang maiwasan ang siksikan pa rin ng tao dahil sa pandemya.
Sa mga araw bago ang pagsasara, papayagan ang mga bibisita ng hanggang 10 tao lamang kada grupo. Papayagan din ang kapasidad ng sementeryo hanggang 30% lamang.
Nagsagawa na rin ng operasyon ang MPD sa mga hagdan sa likuran ng sementeryo na ginagamit para makapasok ng tao kapalit ng bayad.