Negosyante patay sa holdup

MANILA, Philippines — Isang 52-anyos na negos­yante ang nasawi sa naganap na panghoholdap sa loob ng kanyang bahay  sa Singalong,Malate, Maynila, kahapon ng umaga.

Nakilala  ang nasawi na si Rodrigo Nuneza Arizo.

Sa ulat ni P/Staff Sgt John Paul Rojo, ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas -5:40 ng umaga nang maganap ang panghoholdap sa mismong tahanan ng biktima.

Batay sa naging salaysay ng stay-in  tindera ng biktima na si Elona Mae Yanggo, 25, nagbabantay siya ng tindahan ng biktima.

Nang dumating ang tatlong armadong suspek na sakay ng dalawang motorsiklo at pawang nakasuot ng mga itim na helmets, jackets, t-shirts, at short pants.

Isa sa suspek ang nag-utos sa kaniya na umakyat sa itaas ng bahay at kunin ang cash sa kuwarto ng biktima.

Nang makita ng biktima ang nangyayari ay pumasok ito sa silid at ini-lock at naglagay pa ng mga barikada sa kuwarto dahilan upang mahirapang mapasok siya ng mga suspek.

Isa sa suspek ang bumaril  sa pintuan na saktong tumama sa dibdib ng biktima bago nagsitakas.

Isinugod sa Manila Medical Center ang biktima na idineklarang patay dakong alas -6:21 ng umaga habang mabilis na tumakas ang mga suspect

Show comments