MANILA, Philippines — Nasa ilalim na ng special concern lockdown ang Religious of the Virgin Mary convent na matatagpuan sa N. Domingo street sa Kaunlaran sa New Manila Quezon City, makaraang magpositibo sa COVID-19 ang 114 indibidwal sa naturang kumbento.
Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit ng QC Health department, sa 114 katao sa kumbento ang tinamaan ng virus na karamihan ay mga madre.
Ayon sa CESU, sa mga nabanggit, 22 ay asymptomatic, 86 ay mild, 4 ay moderate at dalawa ay severe na ngayo’y kinakalinga sa ICU ng infirmary.
Sinasabing maaaring nakuha umano ang virus mula sa isang driver o messenger ng kumbento na laging lumalabas para bumili ng pagkain at kumukuha ng mga dokumento.
Sa ngayon ay patuloy ang pagsasailalim sa swab test ng CESU sa iba pang mga nakatira sa naturang kumbento matapos maka-close contact ang unang nagka- COVID dito.
Kamakailan lamang ay nauna nang ini-lockdown ang isang ampunan sa lungsod nang makumpirmang may 122 indibidwal dito ay nagpositibo sa COVID kabilang ang 99 na mga kabataan.
Ayon naman kay Mayor Joy Belmonte, nakatutok sila ngayon sa mga enclosed na lugar sa lungsod kung saan dito nakikita nila ang pagtaas ng mga kaso ng COVID.
Ipinag-utos niya sa CESU na dapat na mapanatili sa mga lugar na ito na naipapatupad ang health protocols.