Paglabas ng mga bata, suspendihin – Metro Manila

Sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council (MMC), na inirekomenda na nila sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na bawiin muna ang resolusyon na nagpapalabas na sa mga bata .
The STAR/Boy Santos

Dahil sa banta ng Delta Variant

MANILA, Philippines — Nais  ngayon ng mga alkalde ng Metro Manila na manatili pa rin sa loob ng mga bahay ang mga bata na may edad limang taon pataas kasunod ng banta ng mas mapanga­nib na Delta variant.

Sinabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, chairman ng Metro Manila Council (MMC), na inirekomenda na nila sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na bawiin muna ang resolusyon na nagpapalabas na sa mga bata .

“Kahapon nagkaroon kami ng consensus ng mga mayors sa Metro Manila, lahat ng mga LGU ng National Capital Region na i-defer muna itong pagpapatupad ng 5-years old to 17 years old na papayagang lumabas ng kanilang tahanan,” ayon kay Olivarez.

“Ang recommendation ng ating Metro Manila Council, totally bawal muna po dahil nga po itong binabantayang Delta variant na alam naman po natin more contagious at transmissible,” dagdag niya. Sang-ayon naman dito si Dr. Rontgene Solante, isang infectious diseases expert, na nagsabi na sa kabila na mababa ang kaso ng COVID-19 sa mga bata, wala pa ring ‘exemption’ sa edad kung mahahawa ng Delta variant.

Samantala, umaasa  pa rin si Olivarez na maaabot ng Metro Manila ang ‘population protection’ sa buwan ng Nobyembre.

Ayon kay Olivarez, gumaganda na ngayon ang usad ng ‘vaccination program’ ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR) dahil sa pagdating ng mga bagong suplay ng bakuna.

Target umano ng lahat ng alkalde na maabot ang ‘population protection’ sa Nobyembre para naman magkaroon na ng maayos at mas masayang Pasko ang mga mamamayan.

Ngunit lahat ng ito ay magdi-depende pa rin umano sa pagdating ng mas marami at tuluy-tuloy na suplay ng bakuna.

Show comments