MANILA, Philippines — Nagkagulo sa ‘vaccination site’ sa San Andres, Maynila makaraang magwala ang mga taong nakapila na inabutan ng ‘cut-off’ matapos na maabot na ang limit ng bilang ng bakunang ituturok.
Nagsigawan, nagsiksikan at umapela ang mga inabutan ng ‘cut-off’na mapasama sila sa babakunahan makaraang maabot na ang limit na 1,500 doses ng bakuna para sa isang araw.
“Mukhang may sentiment na takot sila sa Delta variant, kaya gusto na nila magpabakuna. From the original 1,500 doses,” ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno.
Agad namang napapayapa ang sitwasyon makaraang ipag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno na dagdagan pa ng 200 doses ang alokasyon ng San Andres Sports Complex vaccination site.
Nanawagan naman si Moreno sa mga taga-Maynila na kung mahaba ang pila sa isang vaccination site ay maaari silang lumipat ng lugar dahil sa may 24 vaccination sites ang siyudad.
Kabilang sa mga vaccination sites para sa unang dose sa Maynila ang mga elementary school ng Emilio Jacinto, Vicente Lim, Francisco Benitez, Plaridel, Andres Bonifacio, Juan Sumulong, Moises Salvador, Holy Trinity Academy, Justo Lucban, Margarita Roxas De Ayala, Sta. Ana, at Jacinto Zamora.
Para sa mga second dose naman ang elementary school ng Isabelo, Osmena, P. Guevarra, R. Magsaysay, A. Quezon, at Earist.
Kabilang sa mga special sites ang San Andres Sports Complex, at CCP Bakuna Express at mall sites na SM Manila, Robinson’s Place, Lucky Chinatown at SM San Lazaro.