Pekeng pulis colonel at 6 na iba pa, tiklo sa ‘kotong’
MANILA, Philippines — Isang dating pulis na nagpanggap na police colonel at anim pang ka-sabwat nito ang inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) matapos na ireklamo nang pangingikil.
Kinilala ni IMEG Director PBgen Thomas Frias, Jr. ang mga suspek na sina dating Patrolman Joaquin Flores Jr. na dating natalaga sa NCRPO at nagpapanggap bilang isang Police Col. Joaquin Flores; Domingo Corpuz; Renz Manago; Elton Lopez; Gabriel Momjuan; Armando Silao at Ocito Cerilo Delmonte.
Nahuli ang mga ito sa isang entrapment operation sa isang restaurant sa Maginhawa St., Teacher’s Village, sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa report ni Gen. Frias, naghain ng reklamo sa kanilang tanggapan si Talisay, Batangas Vice Mayor Gerry Natanauan hinggil sa pangingikil ni Flores na nagpanggap na Col. Joaquin Flores ng P380,000 para mapabilis ang pagpapalabas ng resolution ng kaniyang kaso sa Office of the Ombudsman.
Subalit nilinaw naman ni Ombudsman Security Consultant Retired Police Brigadier General Nelson Yabut sa IMEG na walang kasong nakasampa laban kay Natanauan at walang kaugnayan ang mga suspek sa Office of the Ombudsman.
Dito na ikinasa ng IMEG ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek. Narekober ang P2,000 marked money; P300,000 boodle money; caliber .45 pistol na may magazine at ammunition; glock caliber .40; cellphones; dalawang radio units at iba’t ibang identification cards.
- Latest