MANILA, Philippines — Dalawang lalaki na inaakusahan ng sexual trafficking ng mga menor-de-edad sa mga dayuhan sa pamamagitan ng internet, ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Taguig at Mandaluyong City.
Batay sa ulat ng Philippine National Police- Women and Children Protection Center (WCPC), nabatid na naaresto nila ang isang 23-anyos na lalaking suspek sa isang operasyon sa Bonifacio Global City .
Ang naturang operasyon ay nagresulta rin sa pagkakasagip ng dalawang biktimang lalaki, na nagkaka-edad lamang ng 17-anyos at 19-anyos.
Ayon kay PCol. Sheila Portento, hepe ng anti-trafficking division ng WCPC, ang hindi pinangalanang suspek ay itinuturing na nilang ‘hustler’ dahil matagal na niya itong gawain.
Naaresto aniya ito sa pamamagitan ng referral ng Australian Federal Police.
Nabatid na ang referral ay tip na ibinibigay sa Philippine law enforcers ng kanilang foreign counterparts kung nakaaresto sila ng pedophile mula sa kanilang bansa.
Sinabi pa ni Portento na ikinukonsidera na nila ngayon ang Taguig City bilang isa sa mga hotspots ng online child trafficking sa bansa, matapos na mahigit isang dosenang suspek na sangkot sa online sexual exploitation of children (OSEC) ang madakip nila doon sa mga nakalipas na mga taon.
Samantala, nasagip din ng mga awtoridad ang isang 16-anyos na dalagita at dalawang binatilyo, na nagkakaedad lamang ng 15 at 16-taong gulang, mula sa isang 27-anyos na suspek, sa isang operasyon sa Brgy. Barangka Ibaba, Mandaluyong.
Ayon kay Unos, dumulog sa kanilang tanggapan ang mga biktima at sinabing inimbitahan umano sila ng suspek sa modeling gig noong nakaraang taon at binayaran para doon. Simula umano noon ay ini-exploit na sila nito na umabot ng ilang buwan.
Pinayuhan naman ng WCPC ang publiko na kung may nalalaman silang kahalintulad na kaso na huwag mag-atubiling magsumbong sa kanilang tanggapan.