MANILA, Philippines — Inaanyayahan ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang mga residente at fans ng aktres na si Angel Locsin na nagtungo sa itinayo niyang community pantry sa Brgy. Holy Spirit noong Biyernes, na mag-avail ng libreng swab testing service na ipinagkakaloob ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay CESU chief Dr. Rolando Cruz, ang mga residente na may sintomas ng COVID-19, gaya ng trangkaso at ubo, matapos pumila sa community pantry, ay kinakailangang agad na magpasuri.
“Hindi natin puwedeng isantabi ang posibilidad na nagkahawahan dahil sa dami ng dumalo. Mabuti nang makasiguro na hindi natin mahawahan ang ating pamilya at mga kasama sa komunidad,” pahayag ni Dr. Cruz.
Aniya, ang mga apektadong residente ay maaaring magpa-book ng appointment online sa http://bit.ly/QCfreetest o tumawag sa QC Contact Tracing Hotlines: na 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086, at 0931-095-7737.
Samantala, umapela rin naman ang CESU kay Locsin at sa kanyang grupo na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa lungsod sakaling may matukoy silang sinumang indibidwal na nangangailangang masuri kaagad.
Para naman sa kanyang panig, pinasalamatan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte si Locsin dahil sa kanyang mga pagkakawanggawa o philanthropic works sa lungsod, kasabay nang apela sa kanya na tumulong din sa pagtukoy ng mga potensiyal na kaso ng sakit.
“Nanawagan ako kay Angel na makiisa sa hakbang ng lungsod na matugunan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga bagong kaso, lalo na sa hanay ng mga nagpunta sa community pantry na kanyang inorganisa,” panawagan pa ni Belmonte.