Balikbayan mula US, tumakas sa quarantine facility
MANILA, Philippines — Nabahala ang Pasay Police at sa Pasay local government unit (LGU) sa pagtakas ng isang lalaking balikbayan mula sa isang quarantine facility sa lungsod na tumagal ng apat na araw bago naibalik.
Ayon kay Jun Burgos, Public Information Office (PIO) chief, matapos ireport ang insidente kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ni P/Colonel Cesar Paday-os, ang deputy for operation ng Southern Police District, ay agad pinaaksiyunan ito upang matunton at maibalik sa quarantine facility ang tumakas na si Igor Mocorro, noong Enero 3, 2021 sa isang hotel sa Roxas Boulevard na nagsisilbing quarantine facility ng mga balikbayan.
Nabatid na ala-1:30 ng hapon ng Miyerkules (Enero 6) nang magsagawa ng follow-up investigation at puntahan ng Pasay Police ang address ni Mocorro sa Unit 3 No. 1247 Estrada St., corner Taal St., Malate, Maynila para kumbinsihing bumalik ito sa quarantine facility subalit hindi siya natagpuan.
Sinabi ng kaibigan na si Joren John Ubaldo, ang dinatnan sa nasabing address, na hindi niya alam kung nasaan si Mocorro kahit nakausap niya ito sa telepono sa nakalipas na 5-oras. Nangako ito na agad papayuhan si Mocorro na bumalik sa quarantine facility dahil pinaghahanap siya ng mga pulis sa paglabag sa ipinatutupad na safety at health protocols ng Inter Agency Task Force.
Dakong hapon ng Enero 7 (Huwebes) nang ipabatid ni Jun Burgos na nakabalik na sa quarantine facility si Mocorro.
Mismong ang hotel supervisor na si Jayson Baccay ang nagkumpirma kay Burgos na on the way na para maibalik sa hotel si Mocorro.
- Latest