MANILA, Philippines — Ipinagbabawal na ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagkakabit ng anumang uri ng “political banners o tarpaulins” sa loob ng siyudad na tinawag niyang isang “eyesore”.
Sinabi ni Moreno na nagpapapangit lamang ang naturang mga banners o tarpaulin at kabaligtaran sa layunin nila na linisin ang buong lungsod laban sa anumang pangit sa paningin.
Sa halip, ipinayo ng alkalde sa sinuman na nais magsulong ng kanilang “political agenda” na sa ibang lungsod na lamang ikabit ang kanilang mga materyales dahil sa tatanggalin lamang ang mga ito sa Maynila.
“Don’t immortalize yourself. Malalaman ng utaw (tao) ‘yan kung ano mga nagawa ninyo. Hindi naman makakalimutin ang mga utaw,” ayon kay Moreno.
Bunsod nito, inatasan ni Moreno si City Engineer Armand Andres na alisin ang anumang posters, tarpaulins at mga kahalintulad na materyales na nagpo-promote ng alinmang politiko o isyung pampolitikal, partikular na ang mga materyales na may mensaheng nagsusulong umano ng pagkakahati-hati sa mga mamamayan.
Matatandaan na noong nakaraang buwan, bumalandra ang isang tarpaulin banner sa lungsod na nagdedeklara na “persona non grata” ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na agad pinatanggal ng alkalde.