Supply contract ng 176K tablets, inaward ng Quezon City para sa distance learning

Pinirmahan ni QC Mayor Joy Belmonte ang Notice of Award sa Trireal Enterprises para sa gadgets na gagamitin ng Grade 7 hanggang 12 students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod na gagamitin sa kanilang online learning. Nasa larawan din sina Samsung Philippines President James Jung, City Council Majority Leader Franz Pumaren at Vice Mayor Gian Sotto.

MANILA, Philippines — Matapos ang mahig­­pit at masusing proseso ng subasta, nai-award na ng Quezon City government ang kontrata para sa suplay at delivery ng tablets na gagamitin para sa distance learning modality ng Schools Division Office sa lungsod para sa school year 2020-2021.

Ang kontrata ay na­sungkit ng nanalong bidder na local contractor Trireal Enterprise na siyang maglalaan ng 176,000 Samsung tablets na may halagang P1.2 bil­yon para gamitin ng mga mag-aaral na mula Grade 7 hanggang 12 sa public school  para sa kanilang online learning.

Ayon kay QC Ma-yor Joy Belmonte, nai-award ang kontrata sa Trireal Enterprise kasama ng kanilang joint venture partner na Radenta Technologies Inc. makaraan ang mabusising proseso ng subasta para dito.

Kinilala naman ni Belmonte ang ginawang pagpapababa ng halaga ng Samsung sa kanilang  tablets  nang gawing  P6950 mula sa suggested retail price na P7990 para lamang makopo ang  budget ng lokal na pamahalaan para dito na P7000/unit at ayon sa financial at hardware specifications  na naitakda ng lokal na pamahalaan para dito.

“Samsung is one of the leading global brands when it comes to cutting-edge gadgets and electronics. We are fully aware of its outstanding track record and we are confident that they can provide good qua-lity tablets to our students,” pahayag ni Belmonte .

Ang Samsung’s Galaxy Tab A ay naaayon sa required tablet specifications na nai-publish ng lokal na pamahalaan na may quad-core minimum operating system (Android 9), internal memory of 32GB ROM + 2 GB RAM, minimum microSD storage capaci­ty  na hanggang 256GB,  may halos 5-megapixel rear camera, at 2-megapixel front camera.

Ang  tablets ay dapat ding may WiFi o WLAN connectivity, at USB port para sa external storage support.

Naglagay din ng special safety features ang Samsung para matiyak na ang tablet ay gagamitin lamang ng mga mag-aaral para sa pag-aaral at walang access  sa unsafe websites at applications.

Ang pondo para sa proyektong ito ay mula sa special education fund na naaprubahan ng city’s Local School Board bilang bahagi ng kanilang  lear-ning continuity program para sa  school year 2020-2021.

 

Show comments