^

Metro

Jeepney drivers sa Makati, katuwang sa mobile learning hubs

Ludy Bermudo - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines ? Magkakaroon ng ha­napbuhay ang mga jeepney driver sa Makati na nawalan ng trabaho dahil sa pan­demya sa pamamagitan ng proyektong Mobile Learning Hub ng lungsod, ayon kay Mayor Abby Binay.

Ito’y dahil ang mga tsuper ang magiging katuwang ng mga guro at librarian sa pagpapatupad ng naturang proyekto na naglalayong tulungan ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang na makasabay sa bagong pamamaraang ‘blended learning’.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang lungsod sa Makati Jeepney Operators and Drivers Association (MJODA) para sa mga uupahang 27 jeepney na gagamitin sa pag-iikot sa mga barangay kapag nag-umpisa na ang klase sa Oktubre.

Itinuturing ni Mayor Abby na malaking oportunidad ito para sa mga residenteng biglaang nawalan ng hanapbuhay sa pamamasada dahil sa pandemya. Tulad din ng mga guro at tutor na nawalan ng trabaho at nabigyan ng oportunidad na maging bahagi ng proyekto, muli silang magkakaroon ng hanapbuhay upang masuportahan ang kanilang pamilya.

Ayon kay Rita Riddle, Program Director ng Makati Education Department, magbabayad ang lungsod ng P2,000 na upa kada araw para sa bawat jeepney.

Mula sa inisyal na target na kukuning 27 drivers, inaasahang madaragdagan pa ito at kalaunan ay maaaring maging 100 drivers na bawat linggo. Batay ito sa rekomendasyon ng MJODA na magkaroon ng rotation ang kanilang mga miyembrong driver, ayon kay Riddle.

Samantala, 54 na guro naman ang target na i-hire para sa proyekto, dagdag ng opisyal.

Sa pagbubukas ng klase sa Oktubre, ang mga dyip na ginawang mobile learning hubs ay mag-iikot sa mga barangay, sakay ang mga guro at librarian, pati na mga libro at iba pang lear­ning materials, at mga  laptop na may internet connection.

Sa ngayon, nalagpasan na ng Makati ang target enrolment nito at umabot na  sa halos 83,000 ang mag-aaral na nakapag-enrol sa public elementary at  high schools ng lungsod.

JEEPNEY DRIVER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with