MANILA, Philippines — Sa ikatlong araw ng implementasyon ng modified enhanced community quarantine (MECQ), tiniyak ni Joint Task Force Covid Shield Commander P/Lt. General Guillermo Lorenzo Eleazar, na tuluy-tuloy at mas lalo pang paiigtingin ang police visibility sa mga palengke at pampublikong lugar.
Ayon kay Eleazar, hindi na dapat na ikagulat ng publiko ang nakakalat na mga pulis na magtitiyak na sumusunod ang bawat isa sa mga health protocols na itinakda ng Inter Agency Task Force (IATF) ngayong panahon ng MECQ sa National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Sinabi ni Eleazar na kanya nang inatasan ang mga station commanders, chief of police sa lugar ng MECQ na kanilang pag-igtingin ang puwersa ng kapulisan sa mga publikong lugar na siyang titiyak upang ang lahat ay susunod sa social distancing at pagsusuot ng face mask partikular na sa palengke na dinadagsa ng mga tao para mamili ng kanilang mga pangangailangan.
Inaasahan naman na tutulong sa mga pulis ang mga barangay para mapatupad ang mga health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ang kautusan ni Eleazar ay bunsod na rin sa nakarating na mga ulat na marami pa rin mga matitigas ang ulo na lumalabag sa health standard at mga indibiduwal na hindi otorisadong lumabas ng kanilang bahay.
Naniniwala si Eleazar na kailangan na higpitan ang mga pag-iinpeksyon sa mga indibiduwal na nasa labas ng kanilang tahanan kung sila ay mga Authorized Person Outside Residence (APOR), mga essential workers o mga empleyado ng kumpanya na pinapayagan na makapag-operate sa ilalim ng MECQ.